Authored by Likha Liwanag | March 26, 2024 | Manila, Philippines | Explore other sections of this portal and read more stories here at EDITORIALPH | www.editorialph.com
Pag labas mo ba ng trabaho o opisina, may titulo at posisyon ka pa ba o pantay pantay na?
Kapag ba binusinahan mo yung bisikleta o kamoteng rider sa kalsada dapat ba tumabi agad sila?
Kapag ba umalis o nawalan ka ng trabaho, anu na ang itatawag sayo at magiging kalagayan mo, boss ka pa ba o tambay na?
May kaibigan ako, Direktor ng kumpanya, nawalan siya ng trabaho, Direktor pa din ba ang tawag sa kanya?
Minsan sa isang restaurant, sinigawan ni madam ang isang waiter, sabi nya, “Bakit hindi nyo ako inaasikaso, hindi nyo ba alam na manager ako sa kumpanyang pinapasukan ko! Dumating ang araw na nawalan ng trabaho si Madam. Manager pa din ba sya?
Pwede pa din ba syang sumigaw sigaw at umasta-asta?
Ganyan na kasi ang nakasanayan at ugali ng marami lalot nilalagay natin ang halaga at kumpiyansa ng ating pagkatao sa posisyon at titulo na meron tayo.
Eh paano kung biglang nawala ang posisyon at titulo dahil umalis o inalis tayo sa trabaho?
Ano ka ngayon?
Sa kabilang banda, may mga tao at posisyon sa trabaho na kahit umalis at alisin sila ay taglay pa din nila ang titulo at posisyon saan man sila magpunta.
Halimbawa:
Ang Karpintero, mawalan man sya ng trabaho, karpintero pa din sya.
Ang Mason, mawalan man sya ng trabaho, mason pa din sya.
Ang Musikero, magsarado man ang bar na tinutugtogan niya, musikero pa din sya.
Ang Driver, mawalan man sya ng minamaneho drayber pa din siya.
Ang Welder, mawalan man sya ng trabaho, welder pa din sya.
Ang kusinero, mawalan man sya ng kusina, kusinero pa din sya.
Ang Mananahi, magsarado man ang pabrika, mananahi pa din sya.
Ilang lamang sila at marami pang iba. Ganito ka din ba?
Nakakalungkot nga lang dahil sa makabagong ugali ng lipunan ang baba ng tingin natin sa kanila. Madalas sila ang mga mas nilalait, nabubulyawan at hindi pinapahalagahan at walang boses sa trabahong pinapasukan.
Hindi bat silang mataas at alta sa lipunan ay mga nanghihiram din lang ng yabang at kumpyansa sa propesyon at titulo nila?
Ang Doktor, kapag nawalan siya ng lisensya doktor pa din ba sya?
Ang CEO, kapag nagsara ang kumpanya CEO pa din ba sya?
Ang Manager, kapag nawalan siya ng trabaho, manager pa din ba sya?
Ang Supervisor o Team Lead, kapag nawala sila sa kumpanya, may tao pa ba sila?
Ang HR, kapag nawalan siya ng trabaho, matatakot pa din ba ang aplikante sa kanila?
Ang Negosyante, kapag ubos na ang puhunan at sarado na ang tindahan, businessman pa din ba ang tawag sa kanya?
Ang Abogado, kapag nawalan ng lisensya, abogado pa din ba sya?
Ang Pulis kapag nawalan ng lisensya, pulis pa din ba sya?
Marami pa ring iba na kawawa kapag nawalan ng posisyon, titulo o lisensya.
May mga posisyon at titulo rin na kapag nawala sa kanila ay nakakalungkot talaga kaya wag naman sana.
Ang mga Guro, kapag nawalan ng paaralan o lisensya, nakakaawa pero buti na lang at ginagalang pa din sila at sana may pension na.
Ang mga Pari at Pastor, kapag nawalan ng parokya at simbahan, nakakaawa din sila. Sana ay may masilungan sila.
Ikaw, saan ka kabilang?
Sumakay ako ng elevator sa isang mall. Sabi ng operator na guwardiya sa isang lalaki habang tumataas kami, “Dapat po pantay pantay, yung pagtatanong at tono ko kung saan at anong floor level po kayo bababa ay kaparehas din ng tono ng pagtatanong ko sayo sir, kay maam, kay ate at kay kuya. Ganun din po sana kayo makitungo sa aming mga gwardiya.
Dapat talaga lahat pantay pantay, lahat nirerespeto, at lahat pinapahalagahan at ginagalang.
Dapat sa tao, hindi sa sa titulo!
Comments